
Sora: Ina ng Katipunan
Ang dulang musikal na ito ay nilikha upang bigyang parangal ang Ina ng Katipunan na si Melchora Aquino o mas kilala bilang Tandang Sora. Ito ay sasalamin sa kanyang kabutihan at kagitingan. Ang kuwentong ito ay magsisimula sa dalawang magaaral na sina Dona at Ramon na silang magsasaliksik patungkol sa buhay ni MELCHORA AQUINO. Ipapakita sa dulang ito ang simpleng pamumuhay ng isang magandang dilag na si MELCHORA. Sya ay umibig sa isang makisig na binatang si FULGENCIO RAMOS at biniyayaan ng anim na anak. Sa bahagi ng dulang ito mararanasan ni MELCHORA ang wagas na pagmamahal mula sa kaniyang pamilya at kapighatian sa pagkamatay ng kanyang asawa. Dito mas titibay ang loob ni MELCHORA na harapin ang buhay kasama ang kanyang mga anak. Magpapatuloy ang dula sa Taong 1896, panahon kung saan ang kalupitan ng mga Kastila ay lalong tumindi dahil sa pagkakatuklas ng nalalapit na paghihimagsik ng mga katipunero sa pamumuno ni ANDRES BONIFACIO. Maraming mamamayan ang hinuli, pinahirapan at pilit na pinagtatapat ng tungkol sa mga lihim ng Katipunan. May mga nakatakas at sa kagubatan nakapagtago. Dito ay nakatagpo nila si Tandang Sora. Kinupkop sila ng matanda, pinakain at pinabaunan ng konting salapi at pinapupunta sa lugar na ligtas sa pag-uusig ng mga Kastila. Lahat ng dumudulog sa munting tahanan ni TANDANG SORA ay kanyang pinagyayaman, bata man o matanda, babae o lalaki. Natunugan ng mga Kastila ang kabutihan ni Tandang Sora, lalo na sa mga katipunero kaya't siya ay hinuli at kinulong, nakalaya lamang si Tandang Sora sa kamay ng mga kastila nang ang Bansang Pilipinas ay nasa pamamahala na ng mga Amerikano. Matandang-matanda na siya at walang nalalabing ari-arian. Nabuhay siyang isang dukha at namatay sa karalitaan noong 2 Marso 1919. Ang dula ay magwawakas sa pagbibigay karangalan sa nagiisan

Sinag: Anak ng Kalikasan
Sa isang nakatagong birheng isla matatagpuan ang isang tribo na nag-ngangalang NASAKILAK. Dito naninirahan ang mga katutubong nangangalaga sa kalikasan. Sa pamumuno ni Lagaslas at ng kanyang anak na si Sinag at ng lahat ng nasa tribo ay binibigyan nila ng pagpapahalaga ang anumang bagay, may buhay man o wala, dahil sa pinaniniwalaang bukod kay Bathala ay ipinagkaloob din ito ng Diyosa ng Kalikasan na si Apo Nasakilak. Sa kabilang dako, sa maingay at masalimuot na buhay sa kalunsuran, nagbabalak ang mag-inang si Donya Martina at Carlota na puntahan ang isang lugar-bakasyunan, dahil ito sa natanggap ni Martina na balita na may isang pribadong isla sa gawing norte na pwede nilang puntahan at gawing tourist spot, lingid sa kaalaman ni Martina na sa islang iyon naninirahan ang Tribo NASAKILAK. Pilit na isasama ni Martina ang pamangkin sa kapatid na ampon na si Adrian at ang matalik nitong kaibigang si Jerry, at iba pang mga taga-siyudad upang puntahan at bilhin ang isla, Sa kabila ng katotohanang hindi sila pamilyar sa lugar na pupuntahan, ay mamamayani pa rin ang kagustuhang ni martina na sakupin ito. Nalaman ito ni Ka Darang sa kaniyang pangitain at sinabihang maghanda ang lahat ng taga-tribo sa masamang balak ng mga dayuhan. Ang saya sa tribo ay nabahiran ng lungkot at takot dahil sa pangambang mawala ang lahat ng bagay na matatagpuan sa kanilang lugar, at sa di inaasahang pagkakataon ay magkakakilala sina Sinag at Adrian. Naging malapit ang loob nina Sinag at Adrian sa isa’t isa at naging madalas ang kanilang pagkikita, ito ay nalaman ni Lagasas at ni Martina na tutol sa kanilang pag-iibigan, na kalaunan ay humantong sa pagkagalit ng magkabilang pangkat na nagdulot ng isang digmaan na kung saan ang bawat isa ay may nais na ipaglaban at mapagtagumpayan. Ang labanan ay hahantong sa isang pangyayaring muntik ng pagbuwisan ng isang buhay, ito ay ng naisin ni Martina na barilin si Lagaslas ngunit haharangan ito ni Sinag na siya namang sasalagin ni Adrian at siyang tatamaan ng bala mula sa baril, dahil sa nagyari ay naging mabangis ang mga katutubo at natalo nila ang mga taga-siyudad, ito ang magmumulat kay Martina na pahalagahan ang lahat ng bagay sa mundo dahil sa nangyari.

Rizal
Ang RIZAL ay isang makabuluhang dulang musikal na magbibigay-buhay sa kuwento, mga adhikain, at kadakilaan ni Jose Rizal, ang Pambansang Bayani ng Pilipinas. Itinatanghal ito bilang pagsuporta sa layunin ng Republic Act No. 1425 (Rizal Law), na naguutos sa lahat ng institusyong pang edukasyon na pag-aralan ang buhay, mga akda, at mga prinsipyo ni Rizal upang higit na mapalalim ang kamalayang makabayan ng bawat Pilipino. Sa pamamagitan ng masusing pananaliksik at malikhaing pagsasadula, muling binubuhay ng produksyon ang mahahalagang yugto ng buhay ni Rizal, mula sa kanyang kabataan, edukasyon, mga paglalakbay, at mga akdang nagmulat sa sambayanan, hanggang sa kanyang mga personal na sakripisyo, pagibig, at walang kapantay na pagmamahal sa bayan. Tampok din ang kanyang mga relasyon kina Leonor Rivera at Josephine Bracken, na nagpapakita ng kanyang pagiging tao sa kabila ng kanyang kabayanihan. Gagabayan ang mga manonood ni Jenny, isang mananaliksik at manunulat na humahanga sa talino, tapang, at mga adhikain ni Rizal. Sa kanyang paghahanap ng inspirasyon para sa sariling akda, unti-unti niyang matutuklasan ang mga kuwento at aral na humubog sa buhay ng bayani. Kasama niya ang mga manonood sa isang makulay at makabagbag-damdaming paglalakbay sa kasaysayan, kung saan ang nakaraan ay muling nabubuhay sa pamamagitan ng musika, sayaw, at awitin. Higit pa sa isang pagtatanghal, ang RIZAL ay isang pagdiriwang ng pagiging Pilipino, isang paalala na ang mga pangarap, prinsipyo, at pagmamahal sa bayan ni Dr. Jose Rizal ay patuloy na nagbibigay-liwanag at inspirasyon sa kasalukuyan at sa mga susunod pang henerasyon.